Huwebes, Disyembre 30, 2021

Haka, Agos, Layag

BUKREBYU: TATLONG AKLAT NG SALIN NG MGA KWENTONG EUROPEANO

Tatlong aklat ng salin ng mga kwentong Europeano ang aking nabili nitong Disyembre. Ang una'y ang HAKA, European Speculative Fiction in Filipino na nabili ko noong Disyembre 11, 2021 sa Solidaridad Bookshop sa P. Faura St., sa Ermita, Maynila. Naisipan kong balikan ang dalawa pa upang makumpleto ang tatlong aklat ng salin. Kaya bumalik ako ng Disyembre 14, 2021 sa nasabing tindahan ng aklat upang bilhin ang AGOS, Modern European Writers in Filipino (na marahil dapat ay Modern European Writings in Filipino), at ang LAYAG, European Classics in Filipino.

Nang makita kong nasa wikang Filipino ang mga kwentong banyagang ito ay agad akong nagkainteres kaya nang magkapera'y aking binili dahil bihira lang ang mga ganitong aklat na wala sa iba pang bookstore. Kumbaga, pampanitikan na, nasa sariling wika pa. Kaya mas madali nang mauunawaan ang kwento. Magandang proyektong pangkultura ang pagsasalin.

Ang bawat aklat ay nagkakahalaga ng P250.00 bawat isa. Inilathala ng ANVIL Publishing at ng EUNIC (European Union National Institute of Culture) - Manila Cluster.

Ang HAKA, na may kabuuang 322 pahina, ay naglalaman ng labing-anim na kwento mula sa labingpitong manunulat; tiglalabing-apat na kwento naman ang AGOS, na may 232 pahina, at ang LAYAG, 216 pahina. Ang mga kwento sa HAKA ay isinalin nina Susana B. Borrero at Louise O. Lopez. Ang mga kwento sa AGOS ay isinalin ni Susana B. Borrero. Sa labing-apat na kwento sa LAYAG, labingdalawa ang isinalin ni Ellen Sicat, ang isa'y nina Ramon Guillermo at Sofia Guillermo, at ang isa pa'y ni Ramon C. Sunico.

Ang mga awtor sa HAKA ay sina Peter Schattschneider, Ian Watson, Hanus Seiner, Richard Ipsen, Joanna Sinisalo, Aliette de Bodard, Michalis Manolios, Peter Lengyel, Francesco Verso, Francesco Mantovani, Tais Teng, Stanilaw Lem, Pedro Cipriano, Zuzana Stozicka, Bojan, Ekselenski, Sofia Rhei, at Bertil Falk. Sa AGOS naman ay sina Alois Hotschnig, Veronika Santo, Eda Kriseova, Jaroslav Kaifar, Maritta Lintunen, Juli Zeh, Niviaq Korneliussen, Anthony Sheenard, Niccolo Ammaniti, Ubah Cristina Ali Farah, Wieslaw Mysliwski, Pavol Rankov at Nuria Barrios Fernandez. Habang sa LAYAG naman ay sina Stefan Sweig, Jaroslav Hasek, Emmanuel z Lesehradu, Karel Capek, Steen Steensen Blicher, Guy de Maupassant, Erich Kastner, Zsigmond Moricz, Luigi Pirandello, Henryk Sienkewicz, Janco Jessensky, Martin Kukucin, Ramon del Valle-Incian, at C.F.Ramuz.

Ang nagbigay ng Introduksyon sa HAKA ay ang Czech na si Julie Novakova, sa AGOS ay ang Pilipinong si Kristian Sendon Cordero, at sa LAYAG ay ang Czech na si Jaroslav Olsa Jr., sa salin ni Ellen Sicat. Ayon pa sa aklat, si Olsa, na siyang pumili ng mga kwento, ang kasalukuyang ambasador ng Czech Republic sa Pilipinas.

Sa LAYAG, dalawang nanalo ng Nobel Prize in Literature (hindi FOR Literature, batay sa aklat) ang nalathala ang kanilang kwento na isinalin ni Ellen Sicat. Ito'y ang Italyanong si Luigi Pirandello (1934 Nobel) at ang Polish na si Henryk Sienkewicz (1905 Nobel). Pitong beses naman naging nominado sa Nobel Prize in Literature subalit hindi nanalo kahit minsan ang Czech na si Karel Capek, na umano'y unang gumamit ng salitang robot sa literatura, ayon sa sci-fi author na si Isaac Asimov. 

Sa klase ng mga awtor na ito'y tiyak na dekalidad din ang mga akda nilang isinalin. Kaya nakakasabik basahin ang kanilang mga kwento.

Kaya minarapat kong bilhin at ibilang sa munti kong aklatan bilang mga collectors' item ang tatlong mahahalagang koleksyon ng mga kwentong ito. Upang mapayabong pa ang pagkaunawa sa ibang kultura. Upang matuto pa sa paraan ng pagkukwento nila. Upang mabigyang inspirasyon ang sariling panulat. Upang mapaunlad pa at maitaguyod ang wikang Filipino.

Kung mabibigyan ako ng pagkakataon ay nais ko ring maging bahagi sa ganitong proyektong pagsasalin at magsalin ng iba pang kwento mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino bilang aking ambag sa pagpapayabong pa ng kultura para sa lalong pagkakaunawaan at pagkakapatiran sa daigdig. Lalo na kung may mga kwento sila tungkol sa buhay ng mga manggagawa, unyonista, at magsasaka sa kani-kanilang bansa.

HAKA, AGOS, LAYAG

sa haka ko'y naglalayag sa agos ng kawalan
yaring guniguning di madalumat ang kung saan
samutsaring kwento mula sa ibang kabihasnan
ang isinalin sa atin upang maunawaan

paano nga ba maglayag sa pag-agos ng haka
kung sakali namang walang laman yaring bituka
makakalangoy ba sakaling tumaob ang balsa
at makaahon sa mabatong alon sa umaga

nagpapatianod ang katawan sa mga agos
upang lumayo sa nakikitang kalunos-lunos
na kalagayan ng mga dalitang pawang kapos
sa pag-irog ng mahal na bayang naghihikahos

matapos ko pa kaya ang mahabang paglalayag
kung sa pagragasa ng alon ay napapapitlag
mga salita'y isinalin upang magpahayag
sa pagbubukangliwayway ay matanaw ang sinag

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...