PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ako sikolohista kundi isang biyudong nakaranas ng depresyon. Kalagitnaan ng Abril 2026, halos dalawang buwan bago ang babang luksa kay misis, tumigil ang aking mundo: Hindi ako nakapagsulat, nangulila ang aking mga blog na naglalaman ng aking mga tula, kwento't iba pang sulatin. Sumagi rin sa isip kong tapusin ang aking buhay.
Subalit may mga plano kami ni misis na dahilan upang hindi ako magpatiwakal. May plano akong kalipunan ng mga tulang pamamagatan kong "100 Tula Para Kay Liberty" na batid ng aking asawang si Liberty na sinimulan ko na noong nabubuhay pa siya. At nais kong makakatha ng isang nobela kahit minsan sa buhay ko.
Gayunman, naisipan kong maghanap ng sikolohista dahil sa nararanasan kong depresyon, subalit nang magtanong ako, P1,500 ang bawat sesyon sa isang sikolohista. Hindi kaya ng tulad kong pultaym na tibak na nagsisilbi sa mga manggagawa't maralita. Kaya naisipan kong ako na lang ang gagamot ng aking depresyon. Kaya sinimulan kong manood ng mga libreng palabas saamman mayroon, tulad ng Metropolitan Theatre (MET), UP Film Institute, Sine Pop, at Mowelfund Film Institute. Nagtungo rin ako at nagsaliksik sa National Library. Nilibot ko rin ang National Museum at napuntahan ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila.
Sa panahong may depresyon ako, madalas akong nakatitig sa kisame, at natulog ng ilang araw na animo'y pagod na pagod. Lumabas lang ako ng kalsada noong Mayo Uno. Kumbaga'y parang awtomatiko na ito sa aking sistema, na hindi ako dapat lumiban o umabsent sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Muli akong lumahok at nakiisa sa mga manggagawa sa rali hanggang sa kanto ng Recto Avenue at Morayta dahil hinarangan na ng mga container van ang dalawang bahagi ng Recto bago mag-Lepanto. Matapos iyon ay balik na naman ang depresyon.
Mayo 17, 2026 na nang bigla akong bumalikwas upang magsulat, higit kalahating buwan matapos ang Mayo Uno, at isang buwan mula nang makaramdam ako ng depresyon. Sinimulan ko ang Paunang Salita sa aklat na "Katipunan ng mga Akda ni Ka Pedring Fadrigon". Si Ka Pedring ang aming pambansang pangulo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ang halal na sekretaryo heneral.
Ikalawa'y tinapos ko ang apatnapung pahinang libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima" na inilunsad ko sa Mowelfund Film Institute noong Hunyo 5, 2026, kasabay ng World Environment Day (Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran). Dahil hindi pa rin talaga bumabalik ang pagiging aktibo ko sa pagsusulat, 'yung mga dati ko nang naisulat ang tinipon ko sa libretong ito. Masidhi pa rin ang nararanasan kong depresyon. At palagay ko'y tula ang lunas sa kalagayan kong ito. Kaya nagbakasakali akong magpasa ng mga tula sa Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) bilang bahagi ng naiisip kong therapy. Hunyo 20, 2026 ay muli akong nakalahok sa anim na buwang pag-aaral ng tula sa LIRA. Maraming salamat talaga.
Hulyo 7, 2026 nang maisipan kong magsaliksik ng mga manunulat na nagpatiwakal, bagamat noon pa'y batid ko na kung sino silang hinahangaan kong manunulat. Pangunahin sa kanila sina Nobel Prize winner Ernest Hemingway, Sylvia Platt at Virginia Woolf. Sa kanila ko sinimulan ang aking saliksik. Matapos sila, saka ko na sinaliksik ang iba pang mga makata at manunulat na nagpatiwakal.
May aklat akong si Virginia Woolf ang nasa pabalat, na ang pamagat ay "Writers: Their Lives and Works". Kaya nag-selfie ako sa aklat na nabanggit na ginawa kong litrato sa pabalat ng aklat na ito.
Sa aklat na ito'y nabasa ko rin ang talambuhay ni Edgar Allan Poe, bagamat hindi siya nagpatiwakal kundi namatay malapit sa istasyon ng tren, ay nabasa kong nagkaroon din siya ng depresyon, tulad ko, nang mamatay ang kanyang asawa. Ayon sa pahina 85 ng nasabing aklat: "Virginia Eliza Clemm: Poe's bride - his first cousin - was half his age when they married in 1835. Her death seven years later sent Poe into the depths of depression." (Virginia Eliza Clemm: Ang kasintahan ni Poe - na kanyang pinsan - ay kalahati ng kanyang edad nang sila'y pinag-isang dibdib noong 1835. Ang kanyang pagkamatay pitong taon ang lumipas ay nagdulot kay Poe ng matinding depresyon.) Tulad ni Poe, nakapitong taon din kami ni misis bago siya namatay. Ikinasal kami noong Pebrero 14, 2018 at namatay siya noong Hunyo 11, 2025 sa isang ospital. Kung paano nalampasan ni Poe ang kanyang depresyon ay wala sa ulat, na sana'y kayanin ko rin ang depresyon kong nararanasan.
Sa aklat na ito, binalangkas ko ang aking saliksik sa tatlong bahagi.
Una, talambuhay ng manunulat mula pagsilang hanggang kamatayan.
Ikalawa, ano-anong akda ang nagpasikat sa kanya?
Ikatlo, bakit siya nagpatiwakal, o bakit kaya siya nagpatiwakal? Ang unang tanong ay batay sa saliksik, habang ang ikalawang tanong ay hinggil sa aking pananaw. Depresyon din kaya ang dahilan?
Marahil, hindi ako magpapatiwakal tulad nila, lalo na't sila'y mga sikat na manunulat, habang ako naman ay wala pa sa kalingkingan nila. Isa lang akong pipitsugin at abang manunulat na naglilingkod sa maralita't uring manggagawa. Nalathala noon ang aking mga akda sa pahayagang Obrero ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas, at publikasyong Taliba ng Maralita ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Kaya wala akong panama sa kanila. Kung sakaling magpatiwakal ako dahil hindi ko nakayanan ang aking nararanasang depresyon, eh, ano? Hindi naman ako sikat at walang pakialam ang mga Pilipinong manunulat kung magpatiwakal man ako. Hindi ako sikat, at hindi ako magaling.
Sino ba naman ang kikilala sa isang pultaym na aktibistang manunulat, na tingin ng marami ay pulahan, komunista, at kung anu-ano pang pangre-redtag na nais nilang gawin upang mawala ang tulad naming mga tibak na manunulat sa balat ng lupa?
Gayunman, bagamat ako'y pultaym na tibak, nakakaranas din pala ng depresyon ang tulad ko, na marahil ay ikamatay ko kung hindi ko na kaya. Subalit sabi ko nga, sa katinuan ko, ayokong magpatiwakal habang hindi ko pa natatapos at nailathala ang plano namin ni misis noong nabubuhay pa siya, na nabanggit ko sa itaas.
Paumanhin kung personal ang aking naisulat. Nawa'y mabigyan ko ng hustisya ang mga naisulat ko at nasaliksik hinggil sa mga kilalang awtor na nagpatiwakal. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa.
Hulyo 7, 2026














