Martes, Mayo 26, 2020

Bukrebyu hinggil sa nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano

BUKREBYU: Ang nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad akong nagkaroon ng sipi ng mahabang tula nobelang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano, na isinulat at natapos noong Enero 1907, at isinaaklat noong Disyembre ng 1911. Nabili ko ang aklat na ito noong Disyembre 9, 2019, sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00. Ito'y umaabot ng 64 pahina.

Kung sa Florante at Laura ay may "Sa Babasa Nito" si Balagtas, may "Sa Babasa" naman si Mariano. Mayroon din siyang dedikasyon na may pamagat na "Sa mga binibining manggagawa". Kung ang Florante at Laura ay may 399 saknong, at ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus ay may 443 saknong, binubuo naman ng 364 saknong itong Ang Mga Anak Dalita, na maylabimpitong kabanata. Ang estilo ng nobelang ito ay patula, tulad ng estilo ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas at Sa Dakong Silangan. Bawat taludtod ay may labingdalawang pantig, at may sesura sa ikaanim. Gayunman, kapansin-pansing magkakaiba ang bilang ng taludtod sa bawat saknong.

Nagsimula sa tigaapat na taludtod bawat saknong mula Kabanata 1-7, 11, 13, 16-17 At pagdating na sa Kabanata 8-10, at 12, ay tiglilimang taludtod na bawat saknong. Sa kabanata 14-15 naman ay tigaanim na taludtod naman. 

Halina't ating pagnilayan ang ilang taludtod. Sa Kabanata 5 (Paghabag ng Puhunan), sa saknong 11 at 12 ay ito:

"O gayon na lamang ang pag-alipusta
sa inuupahang mga maralita!
ibayo't ibayo ang dagdag na gawa
at sa upa naman ay baba ng baba."

"Datapwat ang tao'y hindi makadaing
pagkat natatakot na sila'y alisin,
dahil sa maraming kahit na gayonin
ay nakikiagaw, dahil sa kakanin."

Sa pamagat pa lamang ay tungkol na sa buhay ng mga maralita, at inilarawan sa nobela ang unang bahagi ng lipunang kapitalismo. Marami tayong matututunan. Basahin natin ang kabuuan ng tulang nobelang ito at namnamin pa ang tula ni Mariano tungkol sa mga kapatid nating dukha.

* Unang nalathala ang akdang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 14.

Miyerkules, Abril 29, 2020

Ang aklat na "Lenin's Last Struggle"


BUKREBYU: 
Ang aklat na “Lenin’s Last Struggle”
ni Greg Bituin Jr.

Nang makita ko ang aklat na "Lenin's Last Struggle" sa Book Ends Book Shop sa Lungsod ng Baguio noong Hulyo 2019, agad akong nanghiram ng pera kay misis upang mabili ang aklat sa halagang P120.00. Sabi ko agad sa aking sarili, hindi maaaring mawala sa koleksyon ko ang aklat na iyon. Orihinal palang nasulat iyon ng awtor na si Moshe Lewin sa wikang Pranses, at isinalin naman iyon sa Ingles ni A. M. Sheridan-Smith.

Bilang aktibista't Leninista, nais kong mabasa agad ang 193-pahinang aklat na iyon. May sampung kabanata mula pahina 3 hanggang 141, at may sampung appendixes mula pahina 143-176. Ang biographical note ay mula pahina 177 hanggang 182, at index mula pahina 183 hanggang 193.

Inilarawan ni Lewin sa aklat ang mga pangyayaring kinaharap noon ni Lenin sa huling panahon ng kanyang buhay, at pagkakamali tungkol kay Joseph Stalin. 

Tinalakay din ni Lewin ng mahaba-haba ang pagsusuri sa tinatawag na "Testamento" ni Lenin, na isang dokumentong nagtatasa o isang pagsusuri sa mga taong maliwanag na nakikita ni Lenin na sa hinaharap ay magiging magagaling na mga pinuno ng bansa.

Tinapos ni Lewin ang aklat na sa pagninilay, na may mga ilang dokumentaryong batayan, kung ano kaya ang maaaring nangyari sa Unyong Sobyet kung hindi agad namatay si Lenin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2020, pahina 18.

Linggo, Abril 12, 2020

Bukrebyu: Ang Kartilyang Makabayan na sinulat ni Hermenegildo Cruz


BUKREBYU

ANG KARTILYANG MAKABAYAN NA SINULAT NI HERMENEGILDO CRUZ
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko noong Disyembre 9, 2019, sa halagang P50.00 lang ang 72-pahinang aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na nagturo at nag-akay sa Bayang Pilipino sa Paghihimagsik laban sa Kapangyarihang Dayo"

Isinulat ito ni Hermenegildo Cruz, na siya ring nagsulat ng talambuhay ni Gat Francisco Balagtas, at dating kalihim ng Kawanihan ng Paggawa. Inilimbag ito sa Maynila noong ika-16 ng Nobyembre, 1922, na may 5,000 kopya. Ang unang pagpapalimbag na ito ay ipinagawa ng Lupong Tagaganap ng Araw ni Bonifaio, 1922.

Naglalaman ang aklat ng 78 tanong, na bawat isa ay may kasagutan. Naroon din ang salin ni Bonifacio ng tulang Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal, ang Dekalogong sinulat ni Bonifacio, at talaan ng mga petsa't pangyayari sa hulihan na ng aklat.

Tila nakahukay ako ng ginto nang mabili ko ang aklat dahil bibihira na lang ang may kopya nito, lalo na't 98 taon na ang nakalilipas nang ilimbag ito. Natsamba-han ko, ika nga, nang mabili ko ang aklat na ito sa Popular Bookstore sa Timog Avenue, sa Lungsod Quezon. 

Maraming detalye tungkol sa buhay ni Bonifacio at ng Katipunan ang sinikap sagutin sa aklat na ito. Bagamat may isang detalye akong nakitang mali subalit itinama ng ibang historyador. Ayon kay  Jose  P.  Santos,  anim   silang magkakapatid, di lima, at Espiridiona, hindi Petrona ang pangalan ng kapatid ni Andres Bonifacio.

Subalit sa kabuuan, magandang magkaroon ng aklat na ito, hindi lamang upang mabasa ninyo, kundi upang mabasa rin ng mga susunod pang henerasyon, mga anak, mga apo. Maraming salamat.

* Ang maikling artikulong ito'y inihanda at unang nilathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pahina 16.

Linggo, Pebrero 9, 2020

Ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology"

ANG AKLAT NA "GREEN HOPES: THE FUTURE OF POLITICAL ECOLOGY"
Maikling sanaysay ni Gregorio Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology" sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019, sa mismong paggunita ng World Environment Day. May turo si misis hinggil sa ecobrick na nakaiskedyul doon kaya nabili ko ang 169-pahinang libro sa araw na iyon, sa halagang P150.00.

Paliwanag sa likod na pabalat ng aklat: "This book is a clear and vigorous manifesto for political ecology - a 'green' alternative to traditional political movements and doctrines. It examines the core values and principles which underlie political ecology, as well as the key problems it must address if it is to become a force of hope for the future."

Ang aklat ay salin mula sa wikang Pranses, at isinulat ng Pranses na si Alain Lipietz. Isinalin naman ito sa Ingles ni Malcolm Slater. Inilathala ito ng Polity Press noong 1995.

May tatlo itong bahagi, at labingtatlong kabanata. Narito ang tatlong bahagi:

Part 1: Old Imperatives, New Hopes
Part 2: International and Worldwide Perspectives
Part 3: A New Political Force

Hindi ko pa talaga nababasa ito ng buo, subalit magandang basahin, kahit na 1995 pa ito sinulat, tatlong taon matapos ang unang Earth Conference sa Rio de Janeiro noong 1992. 

Aktibo ako sa ilang mga grupong pangkalikasan, na nagdala sa akin sa iba't ibang lugar, tulad ng Thailand at France. Paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban. At marami pang lugar. Nais ko pang mag-ambag ng marami pa sa usaping kalikasan at hustiyang panlipunan. At nawa'y may maiambag sa akin ang nasabing aklat.

Bakasakaling marami rin akong matutunan at maidagdag sa mga isusulat ko pang sanaysay, kwento at tula. At ito nga, nagsulat ako ng munting tula na sarili kong pagtingin sa pamagat ng aklat.

LUNTIANG PAG-ASA 

ano nga ba itong aklat na "Luntiang Pag-asa"?
ano ba itong pampulitikang ekolohiya?
bagong konsepto ba itong dapat nating mabasa?
na dapat matutunan ng nakararaming masa?

para sa kalikasan, para sa kapaligiran
bakit plastik na ang nabibingwit sa karagatan
imbes isda'y basura sa lambat pagpipilian
habang pulos polusyon na dulot ng mga coal plant

ang pag-asa ba'y luntian kung magtulungan tayo?
itong pampulitikang ekolohiya ba'y ano?
inaatake rin ba nito ang kapitalismo?
na siyang sistemang sumira sa buhay ng tao?

upang masagot ang mga tanong, ito'y basahin
baka may pabula ritong kaysarap kung namnamin
tulad ng kuwagong animo'y palaisip man din
o tulad ng unggoy na minsan kayhirap ungguyin



Martes, Agosto 13, 2019

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Bukrebyu: BANAAG AT SIKAT ni Lope K. Santos
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko nitong Hulyo 26, 2019 ng hapon ang aklat na "Banaag at Sikat" ni Ka Lope K. Santos sa Popular Bookstore sa halagang P295.00. Ito ang ikalawa kong pagbili ng aklat na ito, pagkat naiwala ko o marahil ay nasa hiraman, na di ko na matandaan, ang una kong aklat na nabili ko noong Hulyo 4, 2008, sa halagang P250.00. (Natatandaan ko ang petsang iyon pagkat naisalaysay ko na ito sa isa pang artikulo.)

Ang Banaag at Sikat ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa ating bansa. Isinulat niya ito ng serye sa pahayagang Muling Pagsilang noong 1904-05 at nalathala naman bilang ganap na aklat noong 1906. Ayon kay LKS, "Ang unang pagkalimbag nitong Banaag at Sikat ay noong 1906. May dalawang taong sinulat ko araw-araw at inilathala sa pahayagang Muling Pagsilang, at nang matipon na at mabuo, ay ibinigay ko sa imprenta McCullough, at doon nga ginawa ang paglilimbag."

Binubuo ng 588 pahina ang kabuuan ng aklat, at 547 pahina nito ay ang buong nobela. May siyam na pahinang pagsusuri sa nobela si Efren R. Abueg, kilalang nobelista rin at bahagi ng grupong Agos sa Disyerto. Pitong pahina ang inialay naman bilang paunang salita sa paraang Paunawa ang sinulat ni G. Macario Adriatico na may petsang Disyembre 1906. Sa huling bahagi ng aklat ay nakapagsulat ng sanaysay si LKS na may petsang Abril 1959, sa gulang na 80 taon.

Nais kong sipiin ang isang talata sa Banaag at Sikat, p. 42:

-- Hindi po ako -- anya -- ang una-una lamang nakapagsabi ng ganyan, kundi ang pantas na si Goethe, nang isulat niya ang sagutan ng isang maestro at isang alumno, tungkol sa buong pinagmulan at kasaysayan ng yaman o pag-aari.

Itinanong daw ng NAGTUTURO: -- "Turan mo, saan galing ang kayamanan ng iyong ama?" -- "Sa ama po ng aking ama," itinugon daw naman ng NAG-AARAL. -- At ang sa ama ng iyong ama?" -- "Sa ama ng ama ng aking ama." -- "At sa ama ng ama ng iyong ama?" -- "Ninakaw po."...

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), p. 15, isyu ng Agosto 1-15, 2019

Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng Noritake Porcelana Labor Union. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat.

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Huwebes, Hunyo 20, 2019

Ang aklat na "HELEN KELLER"




Nilay-Aklat (BukRebyu):
Ang aklat na "HELEN KELLER"
maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina. Ang aklat na ito'y bahagi ng serye ng mga aklat na Rebel Lives.

Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa.

Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known for her blindness rather than her radical social vision". At sa likod na pabalat ay nakasulat: "Poor little blind girl or dangerous radical? This book challenges the sanitized image of Helen Keller, restoring her true history as a militant socialist. Here are her views on women's suffrage, her defense of the Industrial Workers of the World (IWW), her opposition to Wolrd War I and her support for imprisoned socialist and anarchist leaders, as well as her analysis of disability and class."

Sa aklat, ating silipin ang ilang pamagat ng kanyang mga nagawang artikulo. Sa Unang Bahagi na may pamagat na Disability ang Class na may limang artikulo, ang ilan ay may pamagat na "The Unemployed", "To The Strikers at Little Falls, New York", at "Comments to the House Committee on Labor". Sa Ikalawang Bahagi naman na may pamagat na Socialism na may pitong artikulo, nariyan ang mga artikulong "How I Became a Socialist", 'Why I Became an IWW (Industrial Workers of the World)?", "On Behalf of the IWW", at "Help Soviet Russia".

Ang Ikatlong Bahagi, na may pamagat na Women, at ang Ikaapat na Bahagi na may pamagat na War, ay may tiglilimang artikulo ang mga ito. Sa Ikatlong Bahagi ay nariyan ang mga artikulong "Why Men Need Women Suffrage", "The New Women's Party" at "Put Your Husband in the Kitchen", habang sa Ikaapat na Bahagi naman ay ang "Strike Against War" at "Menace of the Militarist Program". Sa kabuuan, may dalawampu't dalawang artikulong naisulat si Helen Keller na nailathala sa nasabing aklat.

Mulat sa uring manggagawa si Helen Keller. Katunayan, isinulat niya ang kanyang paninindigan upang magkaisa ang manggagawa bilang uri. Narito at sinipi ko ang halimbawa ng kanyang isinulat. Sa artikulong "What is an IWW?" mula sa pahina 37-38 ay kanyang isinulat: "The IWW's affirm as a fundamental principle that the creators of wealth are entitled to all they create. Thus they find themselves pitted against the whole profit-making system. They declare that there can be no compromise so long as the majority of the working class lives in want while the master class lives in luxury. They insist that there can be no peace until the workers organize as a class, take possession of the resources of the earth and the machinery of production and distribution and abolish the wage system. In other words, the workers in their collectivity must own and operate all the essential industrial institutions and secure to each laborer the full value of his product."

Ito naman ang malayang salin ko ng nasabing sulatin: "Pinagtitibay ng IWW ang pangunahing prinsipyo na ang mga lumilikha ng yaman ay  may karapatan sa lahat ng kanilang nilikha. Subalit nakita nila ang kanilang sariling nahaharap laban sa buong sistema ng paggawa ng tubo. Ipinahahayag nilang maaaring walang kompromiso hangga't ang karamihan sa uring manggagawa ay nabubuhay sa pagnanasa habang ang uring elitista ay nabubuhay sa luho. Iginigiit nilang walang kapayapaan hangga't magkaisa bilang uri ang mga manggagawa, ariin ang mga mapagkukunan ng lupa at ang makinarya ng produksyon at pamamahagi, at ipawalang-bisa ang sistema ng pasahod. Sa madaling salita, ang mga manggagawa sa kanilang kolektibidad ay dapat mag-ari at magpatakbo ng lahat ng mahahalagang institusyong  pang-industriya at tiyakin sa bawat manggagawa ang buong halaga ng kanyang nilikha."

Isang magandang inspirasyon ang mga artikulong isinulat ng bulag na si Helen Keller, lalo na't nais niyang magkaisa ang buong uring manggagaw at itayo ang lipunang pamamahalaan ng mga ito, ang lipunang sosyalismo. Siya ay pisikal na bulag, habang yaong mga nangangayupapa pa rin sa salot at bulok na sistemang kapitalismo'y bulag sa isip at bulag ang puso, dahil mas inuuna nila ang tutubuin ng kanilang puhunan kaysa karapatan ng tao. Marami pa rin ang bulag sa katotohanang marami ang naghihirap habang iilan ay payaman ng payaman.

Maraming salamat, kasamang Helen Keller, sa kontribusyon mo sa malawak na literaturang sosyalista at patuloy na pagkilos upang mamulat ang mga tao sa pagkakamit ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. 

Sa MIBF 2026

‎SA MIBF 2026 ‎ ‎pamilya ko na'y ang mga aklat ‎ito na yata ako magbuhat ‎nang si misis ay mawala't sukat ‎oo, wala na ang lahat-lah...