Biyernes, Setyembre 19, 2025

Nais ko pang basahin ang 100 aklat

NAIS KO PANG BASAHIN ANG 100 AKLAT 

nais ko pang basahin ang sandaang aklat 
na pawang mga klasiko bago mamatay
mga kwento't nobelang nakapagmumulat
aklat ng mga tulang sa mundo inalay

kayrami ko nang librong pangliteratura,
pampulitika, o kaya'y pangmanggagawa,
pang-ideyolohiya dahil aktibista
at gumagawa pa ng dyaryong maralita

kung malathala ang nobelang lilikhain
na paksa ko'y iskwater sa sariling bayan 
kung nobela sa obrero'y matapos ko rin
asam ko'y mabasa't tangkilikin ng tanan

basa ng basa bago mawala sa mundo
ng pangarap kong sandaang klasikong aklat
librong isinalin sa wikang Filipino
ay, kayrami pang dapat mabasa't mabuklat

- gregoriovbituinjr.
09.19.2025

* litratong kuha sa Manila International Book Fair 2025
* maraming salamat sa kumuha ng litrato

Huwebes, Setyembre 18, 2025

Ang librong U.G.

ANG LIBRONG U.G.

may aklat akong
hangad basahin
pagkat nais kong 
natala'y damhin

nais mabatid
ang talambuhay
ng isang lider
bago mapatay

na mahalaga'y 
ating malaman
bakit ba siya'y 
nakipaglaban

kanyang prinsipyo'y
bagang nagningas
na sa tulad ko'y
handâ sa bukas

nasabing aklat
mabili sana
subalit salat
ang aking bulsa

pag-iipunan
itong totoo
collector's item
sa aklatan ko

- gregoriovbituinjr.
09.18.2025

* kuha sa booth ng Anvil Publishing sa Manila International Book Fair 2025

Sabado, Setyembre 13, 2025

Walong titik na palimbagan

WALONG TITIK NA PALIMBAGAN

paano kaya ang walong titik
sa librong tila kasabik-sabik?
malathala kaya'y aking hibik
kung magpasang di patumpik-tumpik?

- gregoriovbituinjr.
09.13.2025

* kuha sa Manila International Book Fair 2025

Sa kagubatan ng kalunsuran

SA KAGUBATAN NG KURAKUTAN minsan, daga'y nagtanong sa leyon: "Ano pong suliranin n'yo ngayon baka lang po ako'y makatulong ...