Linggo, Enero 28, 2024

Anim na libreng libro

ANIM NA LIBRENG LIBRO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 27, 2024 ng gabi, bago kami lumuwas papuntang Cubao galing Benguet ay dumaan muna kami ni misis sa isang tindahan ng aklat sa Baguio, kung saan ninang namin sa kasal ang may-ari niyon. 

Sabi ko kasi kay misis, dumaan muna kami roon dahil may mga aklat pampanitikan  na doon ko lang nakikita. Noon kasi'y may nabili na ako roong tatlong aklat-pampanitikan. Nakabili ako noon sa staff ni ninang, na nagsabi sa akin, "Ang ganda naman ng mga napili mong libro, Sir." Binigyan pa niya ako ng discount.

Pagdating namin ni misis sa book store, kumustahan muna sila ni ninang. Ako naman ay tumingin-tingin na ng libro. Maya-maya, lumapit sa akin si ninang at ibinigay ang aklat na "Minutes of the Katipunan" at ang sabi kay misis, "Tiyak magugustuhan ito ng asawa mo." Wow! Alam niyang mahilig ako sa usaping kasaysayan. Maraming salamat po, ninang!

Tapos ang sabi niya sa amin ni misis, kuha lang ako ng libro, siya na ang bahala. Ibig sabihin, libre na. Kaya ang mga nakita kong aklat-pampanitikan na interesado ako ay aking kinuha. Bago iyon ay may napili akong isang aklat-pangkasaysayan.. Ang aklat na may pamagat na "A Heart For Freedom" hinggil sa buhay ng isang babaeng nanguna at naging lider ng mga nagprotesta sa Tiananmen Square. Ayon sa paglalarawan sa likod na pabalat: "She led the protesters at Tiananmen Square and became China's most wanted woman." Doon pa lang ay nakuha na ang atensyon ko. Dagdag pa ng aklat: "Today, she's finally telling her astonishing story."

Ang unang napili kong aklat-pampanitikan ay may pamagat na "Ted Hughes's Tales of Ovid". Pareho kong kilala ang dalawang ito. Si Ted Hudges ay isang makatang Ingles at asawa ng kilala ring makatang si Sylvia Plath. Si Ovid naman ay makatang Romano noong unang panahon.

Kilala ring manunulat at ginawaran ng Nobel Prize for Literature si Ernest Hemingway. Kaya napili ko ring kunin ang aklat hinggil sa kanyang talambuhay.

Agad ding pumukaw sa akin ang librong "The Poet" ng kilalang nobelistang si Michael Connelly, na ayon sa pananaliksik ay nakakatha na ng tatlumpu't walong nobela. Pamagat pa lang, napa-Wow na ako.

Ang huling aklat na napili ko ay ang "The Wordsworth Encyclopedia". Kilala ring makata si William Wordsworth.

Dalawang aklat-pangkasaysayan. Apat na aklat-pampanitikan. Sapat na iyon. May dalawa pang aklat na ibinalik ko dahil naisip kong baka ako'y umabuso na. Kaya anim lamang. Medyo nahiya rin.

Magkano ba ang nalibre kong libro? Tiningnan ko isa-isa:
(1) Minutes of the Katipunan - 261 pahina - P200
(2) A Heart For Freedom - 360 pahina - P155
(3) Ted Hughes's Tales from Ovid - 135 pahina - P128
(4) Ernest Hemingway - 782 pahina- P480
(5) The Poet - 410 pahina - walang presyo ngunit halos singkapal ng Hemingway kaya ipagpalagay nating P480 din, makapal ang papel kaysa Hemingway 
(6) The Wordsworth Encyclopedia - 476 pahina - P150
Sumatotal = P1593

Sa pagbilang ng pahina, isinama ko ang naka-Roman numeral sa naka-Hindu-Arabic numeral.

Muli, maraming salamat po sa mga libreng libro, ninang. Dahil dito'y ikinatha ko ito ng tula.

ANIM NA LIBRENG LIBRO

kaygaganda ng mga aklat kong napili
lalo't pagbabasa ng libro'y naging gawi
aklat-pampanitikan pang sadya kong mithi
nilibre ni ninang, sa labi namutawi

ang pasasalamat kong sa puso'y masidhi
ang bawat libreng libro'y pahahalagahan
sa maraming panahong kinakailangan
may panahon ng pagbabasa sa aklatan

may panahon din ng pagtitig sa kawalan
panahon ng pagkatha ay pagsisipagan
batid ni misis na libro ang aking bisyo
na pawang mga aklatan ang tambayan ko

kaya maraming salamat sa libreng libro
munting kasiyahan na sa makatang ito

01.28.2024

Miyerkules, Enero 24, 2024

Ang aklat-pangkalusugan nina Doc Willie at Liza Ong

ANG AKLAT-PANGKALUSUGAN NINA DOK WILLIE AT LIZA ONG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng nabili kong aklat-pangkalusugan. May pamagat itong "Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain" na Payo Pangkalusugan na inakda nina Doc Willie Ong at Doc Liza Ong. Nagkakahalaga ito ng P200 na nabili ko nitong Enero 23, 2024, sa ikalawang palapag ng National Book Store sa Gateway, Cubao. Binubuo ng 112 pahina, na ang naka-Roman numeral ay 7 pahina (na binubuo ng Pamagat, Publishers' Corner, Nilalaman, Paunang Salita), habang ang talagang teksto ay umaabot ng 105 pahina.

May dalawa pang aklat na ganito rin, na kumbaga'y serye ng aklat-pangkalusugan ng mag-asawang Ong. P200 din, subalit hindi ko muna binili. Sabi ko sa sarili, hinay-hinay lang. Pag nakaluwag-luwag ay bibilhin ko rin ang dalawa pang aklat nila upang makumpleto ang koleksyon.

Sa Paunang Salita, binigyang-pansin ni Mr. Miguel G. Belmonte, presidente ng pahayagang The Philippine Star at tabloid na Pilipino Star Ngayon, ang wikang Filipino. Ayon sa kanya, "Kapag nagpupunta ako sa mga health section ng mga book store, napapansin ko na walang libro ukol sa pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino. Sa presyo pa lang magkakasakit na ang mambabasa."

Tama. Kaya kailangang pag-ipunan din, at kung nasa Ingles ay baka hindi bilhin. Kailangan mo pa ng diksyunaryo upang sangguniin kung ano ang kahulugan ng salitang nasa Ingles. Mabuti na lang, mayroon na ngayong aklat-pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino, at ito nga ang sinulat ng mag-asawang Ong.

Tinapos ni Mr. Belmonte ang kanyang Paunang Salita sa ganito: "Ang librong 'Sakit sa Puso, Diabletes at Tamang Pagkain' ang tamang libro para sa kalusugan na dapat mabasa ng mga Pilipino sa panahong ito. Madali itong maiintindihan at mauunawaan."

Kayganda ng sinabing ito ni Mr. Belmonte. Dahil tayo'y bansang nangangayupapa sa wikang Ingles, na animo ito'y wika ng may pinag-aralan, at itinuturing ng iba na wikang bakya ang wikang Filipino. Kaya magandang panimula ang sinabing iyon ni Mr. Belmonte upang mahikayat pa ang ibang manunulat, doktor man at hindi, na magsulat sa wikang nauunawaan ng karaniwang tao sa ating bansa. Pagpupugay po!

May sampung kabanata ang aklat na ito. At narito ang pamagat ng bawat kabanata:
I. Sakit sa Puso at Diabetes
II. Tamang Pagkain
III. Tamang Pamumuhay
IV. Para Pumayat, Gumanda at Para sa Kababaihan
V. Murang Check-up at Tamang Gamutan
VI. Murang Gamutan
VII. Tanong sa Sex at Family Planning
VIII. Artista at Kalusugan
IX. Mga Sakit Mula Ulo Hanggang Paa
X. Pahabain ang Buhay

Habang isinusulat ito, natapos ko nang basahin ang unang kabanata. Talagang tumitimo sa akin ang mga payo rito. Tunay na malaking tulong ito sa ating mga kababayan.

Nais kong maghandog ng soneto (o munting tulang may labing-apat na taludtod) hinggil sa makabuluhang aklat na ito.

AKLAT-PANGKALUSUGAN

kaygandang aklat-pangkalusugan ang nabili ko
sinulat ng dalawang batikang doktor ang libro
taospusong pasasalamat, ako po'y saludo
pagkat malaking pakinabang sa maraming tao

"Sakit sa Puso, Diabletes, at Tamang Pagkain"
ang pamagat ng librong kayraming payo sa atin
kung nais mong tumagal ang buhay, ito'y basahin
bawat kabanata nito'y mahalagang aralin

may sakit ka man o wala ay iyong mababatid
ang bawat payo nilang tulong sa mga kapatid
nang sa mga sakit ay makaiwas, di mabulid
sa gabing madilim, libro'y kasiyahan ang hatid

maraming salamat po, Doc Willie at Doc Liza Ong
sa inyong aklat at mga ibinahaging dunong

01.24.2024

Martes, Enero 16, 2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024

Linggo, Enero 14, 2024

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Huwebes, Enero 11, 2024

Ang aklat ng mga kontrabida sa komiks

ANG AKLAT NG MGA KONTRABIDA SA KOMIKS
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agad napukaw ang atensyon ko nang pumasok ako sa Book Sale sa SM Fairview nang makita ko agad ang aklat na "The Legion of Regrettable Supervillains, featuring the 50 Strangest Supervillains in the History of Comics, The Loot Crate Edition" na Jon Morris. Nabili ko ito sa halagang P130.00, Enero 10, 2024.

Hinati sa tatlong kabanata ang aklat. Unang Bahagi: The Golden Age, na naglalaman ng 25 kontrabida; Ikalawang Bahagi: the Silver Age, na naglalaman ng 16 kontrabida; at Ikatlong Bahagi: The Modern Age, na may siyam na kontrabida.

Pinangsanggunian ng may-akda para sa kanyang aklat ang Digital Comic Museum (digitalcomicmuseum.com) at ang Comic Book Plus (comicbookplus.com) na kanya ring pinasalamatan. Ayon nga sa kanya, "without whose tireless archivists and exhaustive catalog the research for the majority of this book would have been impossible."

Mabuti't may nag-ipon ng ganito, pagkat ito'y makasaysayan. Ang Golden Age ay mula taon 1938-1949; ang Silver Age ay mula taon 1950-1969; at ang Modern Age ay mula taon 1970-present.

Nakakatuwang basahin, bagamat hindi naman ito komiks ng Pilipinas, kundi sa Amerika. Naisip ko lang, paano sa ating bansa, may nagaarkibo ba? Mabuti na lang at isa ako sa mahilig magbasa at mangolekta ng dating lingguhan, ngunit ngayon ay buwanang Liwayway magazine.

May kolum na "Balik-Tanaw: Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway" si Edgar Calabia Samar. Nabuhay din ako sa panahong wala pa o hindi pa uso ang internet, at sa mga tindahan ng dyaryo ay may mga komiks na pinaaarkila. Arkilahin mo lang sa tabi ng mga ilang minuto, o kaya'y kalahating oras, masaya ka na. tapos ay isoli mo sa tindera, dahil may nakapila pang nais magbasa ng komiks na binasa mo. Nariyan ang mga komiks noon na Wakasan Komiks, Aliwan Komiks, Tagalog Klasiks, Hiwaga Komiks, at marami pang iba.

Maraming nobela sa komiks na isinapelikula, tulad ng Totoy Bato, Bakekang, Kampanerang Kuba, Lastikman, Bindying, at ang walang kamatayang Darna.

Noong bata pa ako ay may Funny Comics, kung saan bago pa ang pelikulang Planet of the Apes, ay mayroon nang Planet Op Da Eyps sa Funny Komiks, pati na sina Super Dog at sumunod ay Super Cat, at ang kwento ni NikNok.

Sa aking pananaliksik, napag-alaman kong mayroon din palang Philippine Comics Art Museum, na matatagpuan sa https://web.archive.org/web/20110508041423/http://alanguilan.com/museum/.
Nariyan din ang sumusunod na sanggunian: 
(a) Celebrating 120 Years of Komiks From the Philippines I: The History of Komiks, Newsarama, October 19, 2006
(b) Celebrating 120 Years of Komiks From the Philippines II: The Future of Komiks, Newsarama, October 21, 2006
(c) Lent, John A. (2009) The First One Hundred Years of Philippine Komiks and Cartoons. Boboy Yonzon.
(d) Roxas, Cynthia and Joaquin Arevalo, Jr. A History of komiks of the Philippines and other countries, with contributions by Soledad S. Reyes, Karina Constantino-David, Efren Abueg; edited by Ramon R. Marcelino. Nariyan din ang ""Philippine Comics" The most comprehensive library of Filipino comics on the internet".

Subalit sino kaya ang mga kontrabida sa ating mga komiks. Hindi gaya sa American comics, kilala ang kanilang mga kontrabida. Halimbawa, sa Batman, nariyan ang mga kalaban niyang sina Joker, Riddler at Penguin.

Sa atin naman, sikat ang bidang kontrabida na sina Zuma, at ang kanyang anak na si Galema. Hindi rin natin agad maalala kung sino ang matinik na kalaban nina Captain Barbell at ni Lastikman.

Ang nabili kong aklat ng supervillains sa American comics ay pumukaw sa aking diwa upang pansinin din ang kalagayan ng ating mga komiks. Nakakarami pala ng ating mga komikero o kwentista sa komiks, na ang talaan ay makikita sa https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_Filipino_comics_creators.

Mahilig lang akong magbasa ng komiks, subalit hindi ako makadrowing ng maganda. Sinimulan ko ring kumatha ng komiks na "MARA at LITA" sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula pa Enero 2021 hanggang sa kasalukuyan, na dalawang beses kada buwan ang labas. Mas mabuti pa kaya, idaan ko sa tula ang nasasadiwa.

sadyang kahanga-hanga ang mga dibuho
at kwento sa komiks ng mga komikero
lalo na't isinapelikula pa ito
kaya sumikat ang mga gumanap dito

nakilala ang mga kalaban ni Batman
aba'y sina Penguin, Riddler, Joker ba naman
sikat din sa atin ang kwento ni Superman
mula komiks na talagang kinagiliwan

nakilala't sumikat sa atin si Darna
likha ni Mars Ravelo sa komiks talaga
sinong makakalimot sa mag-amang Zuma't
Galema, mula komiks sinapelikula

halina't komiks na Pinoy ay tangkilikin
nobelang komiks nga'y binabalak kong gawin
ito'y isang pangarap na nais kong tupdin
bida't kontrabida'y aking pasisikatin

ngunit balak kong bida'y kolektibong masa
mga maralita't manggagawa ang bida
walang manunubos kundi pagkakaisa
iyan, ganyan ang nais kong gawing nobela

01.11.2024

Huwebes, Enero 4, 2024

Ang aklat ng haiku ni Rogelio G. Mangahas

ANG AKLAT NG HAIKU NI ROGELIO G. MANGAHAS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng aking pakiramdam nang mabili ko ang aklat na "Gagamba sa Uhay, Kalipunan ng mga Haiku" ng makatang Rogelio G. Mangahas, na may salin sa Ingles ni Marne L. Kilates. Animo'y isang gintong aklat ang aking napasakamay.

Nabili ko iyon sa National Book Store sa Malabon City Square, sa Letre, Malabon noong Hunyo 14, 2023, sa halagang P250.00. Inilathala iyon ng C & E Publishing noong 2006. Umaabot ng 183 pahina, na kung idaragdag ang 34 pahinang naka-Roman numeral, dahil sa Liham ng May-akda, Translator's Note, at Introduksyon ni national artist Rio Alma, ay 217 pahina lahat.

Nasa 270 haiku ang nasulat ni Mangahas, kaya 270 haiku rin ang isinalin ni Kilates. Bawat haiku ay may nakatalagang numero. Nahahati sa pitong bahagi ang mga ito, kung saan pinamagatan niya ang nilalaman ng Mga Uhay ng Haiku:

1. Tutubi sa Tukal - Haiku 1-32 (32 haiku)
2. Hiyaw sa Kalaw - Haiku 33-90 (58 haiku)
3. Laglag na Hasmin - Haiku 91-114 (24 haiku)
4. Gagamba sa Uhay - Haiku 115-175 (61 haiku)
5. Maya sa Barbed Wire - Haiku 176-212 (37 haiku)
6. Sugatang Punay - Haiku 213-223 (11 haiku)
7. Alitaptap sa Gulod - Haiku 224-270 (47 haiku)

Malalalim o marahil ay lalawiganin ang ilang mga salita na kailangan mo pang tingnan ang kahulugan sa diksyunaryo. O kaya'y basahin ang salin sa Ingles upang maunawaan mo kung ano iyon. Kayganda rin ng salin at sinubukan din ni Kilates na nasa pantigang 5-7-5 din ang mga ito, bagamat marami ring hindi nasa pantigang 5-7-5.

Ginamit kong sanggunian ang UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), at ang English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Maganda ring may salin sa Ingles ang mga haiku upang mas mabasa rin ito ng mga banyaga at dayuhang nakakaunawa ng Ingles.

Marahil ay sasabihin mo, pareho lang naman ang banyaga sa dayuhan, ah. Sa palagay ko'y hindi. Ang dayuhan ay yaong nakatuntong sa ating bansa na iba ang nasyunalidad. Ang banyaga ay yaong tagaibang bansa, na marahil ay hindi umalis ng kanilang bansa kaya hindi dumayo sa ating bansa. Halimbawa, ang makatang Edgar Allan Poe ay banyaga subalit hindi dayuhan, dahil hindi naman siya umalis sa Baltimore at nagpunta ng Pilipinas. Gayunpaman, magpatuloy tayo.

Nagustuhan ko ang kanyang mga haiku, o tulang nasa tatlong taludtod at may pantigang 5-7-5. Tingnan ang ilang haiku sa aklat ni Mangahas.

Haiku 1

Tingnan, tutubi'y
darakma lang ng niknik,
tuntunga'y tukal.

Madaling maunawaan ang tutubi, subalit hindi ang niknik at tukal. Kaya masasabi mong ito'y lalawigan. Ang niknik ay kulisap na maliit, subalit ang tukal ba'y ano? Subalit dahil sa salin ni Kilates, agad kong nabatid na ito pala ang taal na salita sa lotus.

Haiku 1 (salin)

Watch, a dragonfly,
poised to snatch a gnat,
must stand on lotus.

Sa ETD, p. 411, ang gnat ay "a small, two-winged insect or fly: Niknik. Sa UPDF, p. 820, ang niknik ay "1. maliit na insektong sumisipsip ng dugo; 2. maliit na lamok." Sa UPDF, p. 1283, ang tukal ay may dalawang kahulugan, batay sa kudlit o paano ito sinabi, ang túkal ay salitang Ilokano na "tukod na kawayan, ginagamit sa mga punong nakahilig." Ang tukál naman ay salitang Botany na "halamang tubig (Eichhornia crassipes) na biluhaba ang dahon na may lapad na 5-12 sm, mapintog ang tangkay, mabalahibo ang mga ugat, tila dapò ang mga bulaklak na asul o lila, at hugis itlog ang mga buto: hasinto, pulaw, water hyacinth.

Aba, magkaiba ang water hyacinth sa lotus, di ba? Ayon sa UPDF, p. 716, ang lotus ay "2.a. halamang lily (genus Nelumbo) na may pink at malalaking bulaklak." Gayunman, di man magtugma ang salin ng tukál sa lotus, ito'y upang mas maunawaan lang natin saan nga ba nakatuntong ang tutubi, kundi sa isang halamang tubig.

Haiku 42

Simbad ng banoy:
kaytahimik.. iniwa'y
kará at kulós.

Upang magkasya sa limang pantig sa unang taludtod, ginamit ay banoy imbes na agila. Maaari ding lawin. Subalit ano ang kará at kulós? Ito ba'y ang sugal na kara at kurus? Ano ang kaugnayan nito sa agila? Tiningnan natin ang salin.

Haiku 42 (salin)

Eagle-swoop: swift
and quiet... all that's left: racket
of monkeys, rustle of leaves.

Wow! May bago na naman tayong natutunang salitang lalawiganin. Ano ang racket of monkeys? May raketa ba ang mga unggoy, tulad sa tenis o badminton? Ano ang kará? Ito ang pagkakaingay ng mga unggoy. Ayon sa ETD, p. 816, bukod sa stringed bat, ang racket ay "2. a loud noise". Ayon naman sa UPDF, p. 578, ang kará (hindi kára) ay "1. paulit-ulit na pagpadyak. 2. aklaha." Ano naman ang aklaha? Sa UPDF, p. 23, ang aklaha ay "1. hiyawan ng mga unggoy. 2. [Sinaunang Tagalog] sigaw ng mga api at nawalan ng kapangyarihan." Ang kulós naman, sa UPDF, p.640, ay "kaluskos".

Kaya kung pag-iisipan natin ang binasa nating haiku, o ilalarawan natin sa utak, ito'y hinggil sa mabilis at walang ingay na pagdapo ng agila sa puno, na nang muling lumipad, ang naiwan na lang ay ang nagkakaingay na unggoy at ang kaluskusan ng mga dahon.

Kung ito pa ay monkey-eating eagle, baka nakadagit pa ng unggoy ang agila, kaya nagkaingay ang mga unggoy, habang naglaglagan din ang mga dahon sa puno.

Napakapayak naman at madaling unawain ng Haiku 169.

Kita ko'ng uod
sa bulok na bayabas,
wari'y umindak.

Subalit iba ang Haiku 173, dahil wala sa UPDF ang "nagsamalo"

Baguntao kong
tinungkia'y sinakyan -
ba'y nagsamalo!

Kadalasan ang baguntao ay tumutukoy sa binata, o marahil ay nagbibinata na, bagong tuli. Subalit sa haiku ni Mangahas, ito'y tumutukoy sa anak ng baka o kalabaw. Nang nilagyan ng lubid ang ilong ng guya, o ng baguntao, ito'y nagwala o nagsamalo.

Sumigla ang aking panulat nang mabasa ko ang aklat na ito ng mga haiku ni Mangahas, na karaniwan ay pumapaksa sa buhay sa kalikasan at sa lalawigan, at dahil dito'y sinubukan kong makalikha rin ng haiku. Subalit dahil ako'y mas nasa kalunsuran nakatira ay binigyan ko ng buhay ang ilang mga paksa sa lungsod. Narito ang ilan:

1

patuloy pa rin
ang kontraktwalisasyon
sa Bagong Taon

2

obrero'y hirap
sa kontraktwalisasyong
sadyang laganap

3

nang mag-Climate Walk
kami, ang aming hiyaw:
Climate Justice Now!

4

putok sa buho
raw siya kaya dukha;
walang magulang?

5

tuloy ang kayod
mababa man ang sahod
kaysa lumuhod

6

huwag matakot
makibaka, kasama!
laban sa buktot

7

sistemang bulok
dala ng mga hayok
at nailuklok

8

dapat palitan
ang sistemang gahaman
di pang-iilan

9

kinabukasan
ay ating ipaglaban
para sa bayan

10

ang aking asam
kabuluka'y maparam
nang di magdamdam

Isang inspirasyon sa mga tulad kong mangangatha ng tula ang pamanang iniwan sa atin ng makatang Rogelio G. Mangahas. Isang taospusong pagpupugay.

01.04.2024

Martes, Enero 2, 2024

Poot at Pag-ibig

POOT AT PAG-IBIG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa damdaming kilala ng tao ang poot at pag-ibig. Dalawang paksang dumadaloy sa kaisipan ng ating mga ninuno ilang libong taon na ang nakararaan.

Nakabili ako ng dalawang aklat hinggil sa dalawang paksang ito sa magkaibang panahon. Nabili ko ang aklat na "I Hate and I Love" ni Catullus, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Marso 28, 2018, sa halagang P80.00, na umaabot ng 56 pahina. Nabili ko naman ang "Aphorisms on Love and Hate" ni Friedrich Nietsche, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Disyembre 8, 2023, sa halagang P180.00, na umaabot naman ng 57 pahina. Kapwa ito inilathala ng Penguin Classics, at may sukat na 4 3/8 inches at 6 1/4 inches (o 4.375" x 6.25").

Napakalayo ng agwat ng dalawang awtor na nagsasaad na talagang ang poot at pag-ibig ay paksa na noon pang unang panahon hanggang ngayon.

Sino si Catullus? Isinilang noong 84 BCE at namatay noong 54 BCE), siya ay makatang Latino ng huling Republikang Romano na nagsulat pangunahin sa neoteric na istilo ng tula, na nakatuon sa personal na buhay kaysa sa mga klasikal na bayani. Ang kanyang mga tula ay binabasa at patuloy na nakakaimpluwensya sa mga tula at iba pang anyo ng sining. 

Ang makatang si Catullus, ayon sa Poetry Foundation, mula sa kawing na https://www.poetryfoundation.org/poets/gaius-valerius-catullus, "Sa Roma, malaki ang papel na ginampanan ni Catullus at ng kanyang kahenerasyon, ang "mga bagong makata" sa pagbuo ng pagtulang Augustan. Nakatulong sila upang lumikha ng posibilidad na ang isang tao ay maaaring maging makata bilang propesyon. Dinala nila sa Roma ang natutunan at may kamalayan sa sarili na istilo ng Hellenistic na tula, at nakatulong sila sa paglikha at pagtuklas ng interes na iyon sa malibog na patolohiyang inilabas sa elehiya ng Romanong pag-ibig. Sa kalaunan, sa panahon ng imperyo, naging modelo si Catullus para sa mga epigramo ni Martial, mga tulang nmatatalisik, kadalasang bulgar at satirikong mga obserbasyon sa buhay sa Roma." 

Sino naman si Friedrich Nietzsche? Ayon sa Stanford Encyclopedia of Philosophy (https://plato.stanford.edu/entries/nietzsche/), "Si Friedrich Nietzsche (1844–1900) ay isang pilosopong Aleman at kritiko sa kultura na masinsinang naglathala noong 1870s at 1880s. Nakilala siya sa mga walang patumanggang pagpuna sa tradisyunal na moralidad at relihiyon sa Europa, gayundin sa mga kumbensyonal na ideyang pilosopikal at panlipunan at pampulitikang kabanalan na nauugnay sa modernidad. Marami sa mga kritisismong ito ay umaasa sa mga sikolohikal na diagnosis na naglalantad ng maling kamalayan na nakakahawa sa mga natanggap na ideya ng mga tao; sa kadahilanang iyon, siya ay madalas na nauugnay sa isang grupo ng mga huling modernong palaisip (kabilang sina Marx at Freud) na nagsulong ng isang "hermeneutics ng hinala" laban sa mga tradisyonal na halaga (tingnan ang Foucault [1964] 1990, Ricoeur [1965] 1970, Leiter 2004). Ginamit din ni Nietzsche ang kanyang mga sikolohikal na pagsusuri upang suportahan ang mga orihinal na teorya tungkol sa likas na katangian ng sarili at mga mapang-udyok na panukalang nagmumungkahi ng mga bagong halaga na sa tingin niya ay magsusulong ng kultural na pagbabago at mapabuti ang panlipunan at sikolohikal na buhay sa pamamagitan ng paghahambing sa buhay sa ilalim ng mga tradisyonal na halaga na kanyang pinuna."

Malalalim ang pagtingin sa kanila ng mga nakalap nating saliksik. Kaya nais din nating bigyang pansin ang lalim ng kanilang aklat hinggil sa dalawang emosyong talagang kilala ng tao. Dalawang damdamin at pilosopiyang pinatingkad sa kanilang sulatin.

Ayon kay Catullus, "I hate and I love. And if you ask me how, I do not know: I only feel it, and I'm torn in two. (Napopoot ako at umiibig. At kung tatanungin mo ako kung paano, ewan ko: nararamdaman ko lang ito, at nahati ako sa dalawa.)"

Ayon naman kay Nietzsche: "We must learn to love, learn to be kind, and this from earliest youth... Likewise, hatred must be learned and nurtured, if one wishes to become a proficient hater. (Dapat tayong matutong magmahal, matutong maging mabait, at mula pa sa mga pinakaunang kabataan... Gayundin, ang pagkapoot ay dapat ding matutunan at alagaan, kung ang isang tao ay nagnanais na maging palagiang napopoot.)"

Bakit kailangan kang maging proficient hater, na isinalin ko sa palagiang napopoot? Bakit nga ba dapat kang mapoot, gayong mas makabubuti sa atin ang matutong magmahal. Ang pagkapoot, ayon sa nabasa kong talambuhay ni Joseph Goebbels, ay isang damdaming nagbigay-kapangyarihan sa Nazi Germany upang mapalakas at makapanakop ng maraming bansa. na marahil ay siya ring ginagawa ng mga Hudyo ngayon upang mapalayas ang mga Palestino sa lupang inagaw ng Israel.

Subalit mas makabubuting pag-ibig ang maging dahilan kung bakit tayo nabubuhay, lumalaban, at nakikibaka sa buhay. Hindi ba't mismong ang ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ay may tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Mula sa pagbasa sa tulang iyon ay nalikha ko naman ang tulang "Pag-ibig sa Sangkatauhan."

Namnamin natin ang sinabi ni Che Guevara, "At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love. It is impossible to think of a genuine revolutionary lacking this quality. (Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, hayaan ninyong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng nag-aalab na pakiramdam ng pag-ibig. Imposibleng isiping walang ganitong katangian ang isang tunay na rebolusyonaryo.)”

Tulad ko, bilang aktibistang nakikibaka, dapat nabubuhay tayo sa pag-ibig, nakikibaka tayo dahil batid natin ang karapatang pantao, at hustisyang panlipunan, upang maitayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nais kong kumatha ng tula hinggil sa dalawang damdaming ito.

ANG POOT AT ANG PAG-IBIG
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

talagang poot si Adolfo kay Florante
upang si Lawra'y maagaw at makatabi
poot din sa Hudyo si Adolfo ng Nazi
dulot ay Holocaust, napaslang ay kayrami

anong ganda ng sinabi ni Che Guevara
isang Argentinian at nagsilbi sa Cuba
may pag-ibig sa puso ng nakikibaka
upang palayain ang manggagawa't masa

ang poot at pag-ibig, dalawang emosyon
batid na ng tao noong unang panahon
si Abel nga'y pinatay raw ni Cain noon
Hudyo'y kinawawa ang Palestino ngayon

kayraming krimeng nagawa'y bunsod ng galit
sila'y nakapatay, ngayon ay nakapiit
di ba't mas mabuting tayo'y maging mabait
at pawang pag-ibig ang sa puso'y igiit

01.02.2024

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...