Miyerkules, Enero 15, 2025

Pagbabasa ng kwentong OFW

PAGBABASA NG KWENTONG OFW

sabik din akong magbasa ng mga kwento
hinggil sa tunay na buhay, dukha, obrero
lalo na't aklat hinggil sa OFW
na minsan na ring sa Japan naranasan ko

nag-anim na buwan ako sa Hanamaki
na isang lungsod sa probinsya ng Iwate
alaala yaong sa buhay ko'y sakbibi
bago pa sa lansangan ay makapagrali

bagamat nakarating din ng ibang bayan
sa Thailand, Burma, at bumalik muling Thailand
bagamat sa Guangzhou, Tsina ay nilapagan
sa Pransya'y higit sambuwang Climate Walk naman

nais kong OFW'y kapanayamin
obrero sa piketlayn ay makausap din
upang maging bahagi ng aking sulatin
at maging paksa sa nobelang susulatin

- gregoriovbituinjr.
01.15.2025

Sabado, Enero 11, 2025

Pagbabasa sa gabi

PAGBABASA SA GABI

madalas sa gabi ako nagbabasa
pag buong paligid ay natutulog na
napakatahimik
maliban sa hilik
aklat yaong tangan habang nag-iisa

sa ibang lupalop ako naglalakbay
sa ibang daigdig ako nabubuhay
habang naririnig
ang mga kuliglig
sa ibang lupain ako'y nagninilay

bukas pagkagising, babalik sa mundo
at pakikibaka'y punong-puno rito
mahal ang bilihin
nagmumura ka rin
namamayagpag pa'y gahaman at trapo

nagbabasa ako hanggang hatinggabi
at inuunawa ang tagong mensahe
may planong kumatha
ng kwento't pabula
pag biglang inantok, tutulog na dine

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

Kasaysayan

KASAYSAYAN

bilin ni Oriang sa kabataan:
matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag

isang patnubay ang kanyang bilin
tungkulin sa bayan ay ayusin
at gawain nati'y paghusayin

sa kasaysayan tayo'y matuto
para sa kapakanan ng tao
huwag ulitin ang mali nito

si Gat Andres na ating bayani
tulad nina Rizal at Mabini
nagawa sa bayan ay kayrami

O, kasaysayan, isinulat ka
para sa bayan, para sa masa
di para sa mapagsamantala

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

Biyernes, Enero 10, 2025

Ilang aklat ng katatakutan

ILANG AKLAT NG KATATAKUTAN

marahil, di libro ng krimen kundi multo
ang paglalarawan sa nariritong libro
akdang katatakutan ni Edgar Allan Poe
ang On Writing ni Stephen King, ang maestro

nais kong matutunan ang estilo nila
kung bakit mga akda nila'y nakilala
binigyan ko ng panahong sila'y mabasa
bilang paghahanda rin sa pagnonobela

magandang pagsasanay ang dyaryong Talibà
maikling kwento ko'y doon nalalathalà
nasa isipan ko ang isang halimbawà
ang paghahanda ng nobelang manggagawà

manggagawang tinakot ng gahama't buktot
subalit sila'y nagkaisa't di natakot
nakibaka sila't tinuwid ang baluktot
hanggang kapitalistang kuhila'y lumambot

kayraming paksa't isyung dapat kong aralin
inspirasyon ko nga'y milyones na bayarin
na sadyang nakakatakot kung iisipin
kaya pagkatha ng nobela na'y gagawin

- gregoriovbituinjr.
01.10.2025

Linggo, Enero 5, 2025

Ang aklat

ANG AKLAT

nais kong basahin ang akda ni Nancy H. Kleinbaum
ang Dead Poets Society na talagang bumabaon
animo'y tinik na tumagos sa puso ko't diwa
lalo't pelikula niyon ay napanood ko nga

kung sakaling sa bookstore iyon ay matsambahan ko
bilang collector's item agad bibilhing totoo
upang mabasa't idagdag sa aklatan kong munti
inspirasyon upang sa sariling berso'y idampi

tumatak sa isip nang pelikula'y mapanood
na talagang humagod sa aking diwa't gulugod
mga makata noon ay para mong nakausap
pag mga berso nila'y tinalunton mo't nagagap

nais ko yaong nguyain na parang mga prutas
na animo'y si Adan nang kumain ng mansanas
ay, sadyang nais kong mahanap ang nasabing aklat
upang kaibuturan nito'y aking madalumat

- gregoriovbituinjr.
01.05.2025

* mga litrato mula sa google

Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

Book Sale

BOOK SALE

laking National at laking Book Sale
kayraming librong dito'y nabili
sa aklat ay di ako mapigil
lalo't diyan ako nawiwili

ngunit may ulat na magsasara
ang Book Sale na aking kinalakhan
sa MegaMall, pwesto'y nalipat na
sa Letre'y tinanggal nang tuluyan

sa Farmers at Fiesta Carnival
ang Book Sale pa nila'y nakatayo
sana patuloy sila't magtagal 
sila'y umiral pa't di maglaho

sa pagbabasa ako nag-ugat
kaya salamat sa mga libro
lalo sa Book Sale, mura ang aklat
binili't binabasa-basa ko

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* dalawang unang litrato mula sa mga balita sa fb
* ikatlong litrato ay kuha ng makatang gala sa isang Book Sale branch

Miyerkules, Oktubre 23, 2024

Katas ng tibuyô

KATAS NG TIBUYÔ

nabili ko ang librong World's Greatest Speeches
mula sa baryang naipon ko sa tibuyô
magandang librong pinag-ipunan kong labis
nang mga talumpati'y mabasa kong buô

pitumpu't limang orador ang naririto
talambuhay muna, sunod ay talumpati
ng mga bantog sa kasaysayan ng mundo
bayaning itinuring ng kanilang lahi

pitumpu't limang pinuno ng bansa nila
ang nagsibigkas ng makabagbag-damdaming
mga talumpating tumatagos sa masa
hanggang bansa nila'y tuluyang palayain

nang libro'y makita, agad pinag-ipunan
at upang di maunahan sa librong nais
ay may tibuyô akong mapagkukuhanan
ng pera upang mabili yaong mabilis

salamat sa tibuyô, may perang pambili
ng gusto ko tulad ng babasahing aklat
ang pinag-ipunan sa tibuyo'y may silbi
upang umunlad pa ang isip at panulat

- gregoriovbituinjr.
10.23.2024

* tibuyô - salitang Batangas na katumbas ng Kastilang alkansya
* ang nabanggit na aklat ay nabili sa National Book Store, Ali Mall branch sa halagang P299.00

Pagbabasa ng kwentong OFW

PAGBABASA NG KWENTONG OFW sabik din akong magbasa ng mga kwento hinggil sa tunay na buhay, dukha, obrero lalo na't aklat hinggil sa OFW ...